Monday, May 4, 2026

PCG, nanindigang iligal ang marine scientific research ng China sa loob ng ating EEZ

Tila inaamin ng China ang ginagawa nilang paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at pagbalewala sa 2016 South China Sea Arbitral Award.

Ito ang sinabi ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela matapos ang pahayag ng Chinese Embassy na nagsagawa umano ng scientific research ang kanilang mga barko sa inaangking teritoryo.

Ayon kay Tarriela, baka nakakalimutan ng China na walang legal na basehan ang “historic rights” nila sa tinaguriang nine-dash line na sakop ang ilang karagatan sa loob ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ) at continental shelf.

Ang pagsasagawa aniya ng marine scientific research sa loob ng EEZ ng ibang bansa nang walang pahintulot ay maituturing na paglabag sa ilalim ng UNCLOS.

Sabi pa ni Tarriela, makakamit lamang ang tunay na kapayapaan sa naturang bahagi ng karagatan kung igagalang ang UNCLOS at ang rules-based international order.

Una nang sinabi ng PCG na magde-deploy sila ng mga aircraft at barko para itaboy ang mga Chinese Research Vessels na nasa loob ng ating karagatan.

Hindi aniya nila pahihintulutan na magsagawa ang mga ito ng pag-aaral sa ating karagatan nang walang pahintulot mula sa gobyerno ng Pilipinas.

Facebook Comments