
Pinalagan ng isang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) ang inilabas na AI-generated video ng state-controlled media ng China dahil sa paglalarawan sa mga Pilipino bilang unggoy.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, nakakagalit na ang mismong bansang gumigipit sa ating mga karapatan sa West Philippine Sea ang may lakas pa ng loob na ilarawan ang mga Pilipino bilang mga unggoy na sumusunod sa Japan at Estados Unidos lamang.
Ipinunto pa ni Tarriela ang pag-alma noon ng China at paghahain pa ng diplomatic protest dahil sa caricature noon na tinawag ng Beijing na pambabastos umano sa kanilang lider.
Binanggit din ng opisyal ang ilang senador noon na nagsabing kailangan niyang humingi ng paumanhin sa China.
Kinuwestiyon nito kung sasabihin din ba nila ngayon na ang China naman ang dapat humingi ng tawad dahil sa pambababoy sa mga Pilipino sa ginawang video.
Inilawaran din ng opisyal bilang racism ang naturang video na tahasan din aniyang paghamak sa international law at pagbalewala sa 2016 Arbitral Award.
Hinikayat din ni Tarriela ang mga Pilipino na huwag pumayag sa ganito at tanging ang mga hayop lamang aniya ang nakakagawa ng ganitong pagturing sa kapwa tao.
Dagdag pa niya, mas masahol naman sa hayop ang hindi marunong sumunod sa international law.










