Thursday, July 16, 2026

Pahayag ng magkapatid na Cayetano sa pag-iimbestiga ng NBI sa 2019 SEA Games anomaly, inirerespeto ng DOJ

Nirerespeto ng Department of Justice (DOJ) ang naging pahayag ng magkapatid na Senator Alan Peter at Pia Cayetano kaugnay sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y iregularidad noong 2019 Southeast Asian Games.

Partikular ito sa sinasabing anomalya kaugnay sa pagpapatayo ng New Clark City Sports Complex kung saan si Cayetano ang chairman noon ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC).

Sa isang pahayag, sinabi ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na ginagawa lamang ng NBI ang kanilang mandato na nakabatay sa rule of law.

Tiwala rin aniya ang Justice Department na gagawin ng NBI ang kanilang trabaho na may professionalism, integridad at independence na inaasahan sa kanila.

Ayon pa kay Martinez, bagama’t attached agency ng DOJ ang NBI, mayroon itong sapat na operational independence para gampanan ang tungkulin nitong imbestigahan ang mga kasong sa tingin nito ay nararapat sa ilalim ng batas at inirerespeto nila ang mandato at awtoridad ng NBI sa pagsasagawa ng imbestigasyon.

Samantala, tumanggi namang magkomento ang DOJ kung may impormasyon na makakasama rin sa imbestigasyon si Department Of Public Works And Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na nagsilbi noon bilang President at CEO ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).

Facebook Comments