Thursday, July 16, 2026

Simulation drill sa pagtugon sa mga banta ng karahasan sa mga eskwelahan, isasagawa bukas ng QCPD at QC-LGU

Magsasagawa ng simulation drill ang Quezon City Police District (QCPD) at ang Quezon City Local Government Unit (QC-LGU) upang ihanda ang mga estudyante sa sandaling may mga insidente ng pamamaril sa mga eskwelahan.

Ayon kay QCPD Director Brig. Gen. Randy Glenn Silvio, layon ng hakbang na mapalakas ang safety at security measures sa mga paaralan alinsunod sa implementasyon ng Metro Manila Safer Cities program ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Kabilang sa mga senaryo sa dry run ay ang active shootings, stabbing incidents, bomb threats at riots.

Sa ilalim ng Safer Metro Manila program, magtatalaga ng isang police officer at isang barangay tanod sa bawat eskwelahan upang magpanatili ng seguridad sa paaralan.

Pinaigting ng QCPD ang mga hakbanging panseguridad sa mga paaralan kasunod ng insidente ng pag-atake sa mga eskwelahan, gaya ng insidente ng pamamaril sa isang eskwelahan sa Tacloban City na nagresulta sa pagkasawi ng tatlong mag-aaral at pagkasugat ng dalawampung indibidwal.

Facebook Comments