Peace process sa pagitan ng pamahalaan at MILF, hiniling ng grupo ng Bangsamoro na tapusin ang natitirang obligasyon

Nanawagan ang sampung Bangsamoro Civil Society Organizations kay President Ferdinand R. Marcos Jr. na kumpletuhin ang mga natitirang obligasyon sa peace process sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front o MILF.

Sa inilabas na manifesto, hiniling ng mga grupo na makipagpulong si Marcos kay MILF Chairman Ahod Balawag “Al Haj Murad” Ebrahim bago mag-convene ang bagong Bangsamoro Parliament sa Oktubre 30.

Kabilang sa kanilang panawagan ang pagkakaroon ng malinaw na completion roadmap, pagpapatuloy ng decommissioning ng MILF combatants, pagbibigay ng mga nakalaang tulong sa dating mga mandirigma at kanilang pamilya, at pagpapatuloy ng camp transformation.

Hiniling din ng mga grupo na makumpleto at malagdaan ang Exit Agreement sa loob ng termino ni Pangulong Marcos.

Binigyang-diin ng civil society groups na dapat manatiling hiwalay ang pagkumpleto ng peace process sa usapin ng pagpili ng susunod na Chief Minister ng Bangsamoro.

Kasabay nito, itinulak ng mga grupo na gawing target ang Disyembre 23, 2026, ika-50 taon ng paglagda sa 1976 Tripoli Agreement, para sa pagkumpleto ng mga natitirang hakbang sa Bangsamoro peace process.

Facebook Comments