Tuesday, April 21, 2026

Petisyon na P10 dagdag-singil sa minimum fare ng jeep, idadaan sa public hearing

Ipinag-utos na ang pagsasagawa ng public hearing ng LTFRB kaugnay ng petisyon ng grupong PISTON na magpatupad ng P10 dagdag-singil sa minimum fare ng mga jeep.

Bilang bahagi ng regulatory process at pormal na pagsusuri sa petisyon, pinagsusumite ni LTFRB Chairman Vigor Mendoza II ng komento ang mga grupo ng komyuter at iba pang stakeholders upang mabigyan sila ng pagkakataong maipahayag ang kanilang panig sa naturang panukala.

Nakadepende ang timeline ng petisyon sa antas ng oposisyon; ngunit kung walang tutol, maaaring makabuo ng desisyon sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan. Kabilang dito ang mga kinakailangang proseso gaya ng pagbibigay ng abiso sa publiko, konsultasyon sa Office of the Solicitor General, at pakikipag-ugnayan sa mga ahensiyang pang-ekonomiya at paggawa.

Sa ngayon, wala pang eksaktong petsa kung kailan isasagawa ang pagdinig, ngunit tiniyak ni Mendoza na susuriin nila ang lahat ng aspeto ng petisyon, lalo na ang balanse sa pagitan ng kakayahang magbayad ng mga komyuter at ng pangangailangan ng mga tsuper.

Facebook Comments