
Naglabas ng paalala ang Lingayen Police Station upang paigtingin ang pagbabantay laban sa insidente ng nakawan, kasunod ng isang naitalang robbery sa San Jacinto, kamakailan.
Nagsagawa ang kapulisan ng isang strategic information dissemination campaign kung saan Layunin nitong mabigyan ng sapat na kaalaman at kahandaan ang mga establisimyento, partikular ang mga gasolinahan, laban sa posibleng krimen.
Binisita ng mga pulis ang iba’t ibang gasoline stations sa bayan upang makipag-ugnayan sa mga may-ari, manager, at empleyado. Ibinahagi sa kanila ang detalyadong paglalarawan ng suspek upang agad itong makilala sakaling muling makita.
Kabilang sa mga pangunahing panuntunang ipinatupad ang mahigpit na pagpapatanggal ng helmet sa mga motorista bago magpakarga ng gasolina. Ayon sa pulisya, mahalaga ito upang malinaw na makuha ng mga CCTV camera ang mukha ng bawat kustomer.
Hinimok din ang mga empleyado ng gasolinahan na manatiling alerto, lalo na sa mga oras ng gabi, at agad iulat sa awtoridad ang anumang kahina-hinalang kilos o indibidwal.
Patuloy naman ang panawagan ng Lingayen Police sa publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad sa pamamagitan ng pagiging mapagmatyag at responsable. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










