Monday, April 20, 2026

Viral na banggaan na kinasasangkutan ng PNP coaster at isang bus sa EDSA, masusing iniimbestigahan ng PNP

Masusi nang iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang viral na banggaan sa social media na kinasasangkutan ng isang PNP coaster at pampasaherong bus ng EDSA Carousel sa bahagi ng EDSA, partikular sa Main Avenue, Quezon City noong April 17, Biyernes.

Ayon kay Jose Melencio Nartatez Jr., tinitingnan na nila ang trip ticket at dispatch orders ng nasabing sasakyan upang matukoy kung ito ay para sa emergency at ginamit sa lehitimong operasyon.

Iniutos na rin ni Nartatez ang isang administrative review para matukoy ang kabuuang pangyayari at masuri kung nasunod ang mga tamang protocol.

Kasama rin sa iniimbestigahan ang command supervision at mga posibleng kakulangan sa disiplina ng unit na sangkot.

Giit ni Nartatez, hindi lisensya ang uniporme para maging “hari sa kalsada.”

Kaugnay nito, binanggit ni Nartatez sa isinagawang flag-raising ceremony kanina na inatasan niya ang mga concerned directorial staff na maglabas ng paalala at tiyaking maipapataw ang kaukulang aksyon, kabilang ang corrective measures o parusa sa mga sangkot na pulis.

Facebook Comments