Wednesday, August 12, 2026

Petisyon para hilinging isapubliko ang draft report ng Senate BRC sa flood control anomaly, ibinasura ng SC

Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyong humihiling na atasan ang Senate Blue Ribbon Committee (BRC) na ilabas ang buong draft partial committee report kaugnay sa flood control anomaly.

Batay sa desisyon ng Supreme Court En Banc, ito ay dahil wala umanong nakitang constitutional o legal obligation ang korte para ilabas ng Blue Ribbon Committee (BRC) ang isang hindi pa tapos na report.

Ipinaliwanag ng SC na maaari lamang gamitin ang mandamus para pilitin ang isang opisyal o tanggapan ng gobyerno na gampanan ang tungkulin na itinatakda ng batas at walang kalakip na discretion.

Inihain ang petisyon ni Atty. Marvin Aceron matapos mag-leak sa ilang media outlet noong Pebrero ang draft report na nagrerekomendang sampahan ng reklamong kriminal kabilang nag plunder ang ilang senador at opisyal ng pamahalaan.

Paglilinaw pa ng Kataas-taasang Hukuman, nagiging bahagi lamang ang draft report ng official Senate record kapag final na, inaprubahan ng komite at naisumite na rin sa plenaryo alinsunod sa internal rules ng Senado.

Hindi rin anila maaaring gamitin ang mandamus para pilitin na isapubliko ito lalo’t wala namang batas na nag-aatas sa Committee na ilabas ang isang hindi tapos na draft report.

Hindi naman sinang-ayunan ng SC na nilabag ng komite ang constitutional right to information sa pagtanggi nitong ilabas ang draft report kasabay ng paggiit na mayroong umiiral na separation of powers.

Facebook Comments