
Kinwestyon ni Senate Committee on Agriculture Chairman Senator Kiko Pangilinan at Senator Imee Marcos ang napakalaking budget na hinihingi ng National Irrigation Administration (NIA).
Sa ilalim ng 2027 budget ng NIA, aabot sa ₱233.85 billion ang panukalang pondo ng ahensya o 263% na mas mataas kumpara sa ₱64.37 billion na budget ngayong 2026.
Pero nasa ₱47.43 billion lamang ang ibinigay ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).
Ayon kay Pangilinan, batid naman ng NIA na hindi maaaprubahan ng Kongreso ang napakalaking budget proposal na ito.
Nagtataka naman si Sen. Imee sa hirit na pondo na nais ng NIA dahil ngayong taon ay mayroong ₱17 billion na continuing appropriations ang hindi nagastos ng ahensiya.
Paliwanag naman dito ni NIA Administrator Eddie Guillen, nais lamang nilang ipakita sa Senado kung ano ang mga pangangailangan ng mga magsasaka at kung ano ang mga hiling sa iba’t ibang rehiyon.
Handa naman ang NIA na ipatupad kung ano lamang ang kayang maaprubahan na pondo ng Kongreso para sa ahensiya.










