Wednesday, August 12, 2026

Dagdag na tauhan at kagamitan sa paglilinis ng basura sa Baclaran River, iniutos na ni PBBM

Pinabibilisan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang clearing operations sa Baclaran River sa Parañaque City matapos personal na inspeksyunin ang lugar nitong Miyerkules.

Ipinag-utos ng pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na dagdagan ang mga tauhan at kagamitan, kabilang ang dump truck, backhoe at inflatable rubber boat, para mapabilis ang paghakot ng basura sa ilog.

Ayon kay Marcos, lumala ang sitwasyon dahil sa malalakas na pag-ulan nitong nakaraang linggo na halos katumbas ng isang buwang ulan.

Nakatulong din sa pag-ipon ng basura ang sirang trash trap.

Batay sa pinakahuling datos ng MMDA, nasa 45 truckloads o tinatayang 750 cubic meters na ng basura ang nahakot mula sa ilog.

Tumulong din sa operasyon ang Bureau of Fire Protection (BFP), DENR Estero Rangers at mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.

Ang clearing ay bahagi ng Oplan Kontra Baha ng pamahalaan, kasama ang dredging at declogging sa mga daluyan ng tubig sa Metro Manila.

Facebook Comments