
Ipinagdiriwang nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos ang kanilang ika-33 wedding anniversary ngayong Biyernes, April 17, 2026.
Sa kaniyang mensahe para sa first lady, sinabi ng pangulo na magkasama nilang hinarap ang bawat yugto ng buhay—sa pamilya, trabaho, at lahat ng hamon sa pagitan nito.
Inilarawan din niya ang unang ginang bilang matatag na katuwang na laging nag-aalaga sa kanilang pamilya habang may malasakit sa kapwa, kasabay ng pasasalamat sa buhay na magkasama nilang binuo sa loob ng mahigit tatlong dekada.
Kasabay nito, ibinahagi rin ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang natanggap niyang bulaklak mula sa pangulo, na aniya’y simpleng kilos ngunit tumatatak sa puso, lalo’t ang pangulo mismo ang bumili nito sa palengke.
Tinawag niya ito bilang simple, maalalahanin, at puno ng pagmamahal, sabay biro na nadagdagan pa ng “double brownie points” ang kaniyang asawa.
Ikinasal ang first couple noong April 17, 1993 sa San Francesco Church sa Fiesole, Tuscany, Italy.










