
Pinangunahan nina CREC Chairman Edgar B. Saavedra (ikalima mula kaliwa) at LANDBANK President at CEO Lynette V. Ortiz (ikalima mula kanan) ang paglagda sa ₱4.05-bilyong project finance loan facility para suportahan ang pagpapatayo ng dalawang solar power plants sa Pampanga at Nueva Ecija. Kasama rito sina CREC President at CEO Oliver Y. Tan (ikaapat mula kaliwa), Director Manuel Louie B. Ferrer (ikatlo mula kaliwa), CFO Michelle A. Magdato (ikalawa mula kaliwa), at Deputy CFO Niñolito A. Colita (pinakadulo sa kaliwa), LANDBANK EVP Charlotte I. Conde (ikaapat mula sa kanan), SVPs Gonzalo Benjamin A. Bongolan (ikatlo mula kanan) at Vilma B. Cervantes (ikalawa mula kanan), at First Vice President Ann Marijell B. Ong (pinakadulo sa kanan).
Mas maraming komunidad sa Central Luzon ang magkakaroon ng mas maaasahan at mas malinis na suplay ng kuryente matapos pondohan ng LANDBANK ang dalawang bagong solar power projects ng Citicore Renewable Energy Corporation (CREC) sa halagang ₱4.05 bilyon.
Sa ilalim ng financing, itatayo ang dalawang solar power plants na may tig-41 megawatt-peak (MWp) capacity at 53 megawatt-hour (MWh) battery energy storage systems sa Pampanga at Nueva Ecija. Kapag natapos, magdadagdag ang mga ito ng kabuuang 82 MWp at 106 MWh sa renewable energy capacity ng CREC.
Ayon kay CREC President at CEO Oliver Tan, makatutulong ang suporta ng LANDBANK upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga renewable energy projects sa bansa at makatulong sa target ng Department of Energy o DOE na maitaas sa 50% ang renewable energy share sa power generation mix ng bansa pagsapit ng 2040.
Sinabi naman ni LANDBANK President at CEO Lynette V. Ortiz na patuloy na sinusuportahan ng Bangko ang mga proyektong may positibong epekto sa ekonomiya at kalikasan.
“Sa pakikipagtulungan namin sa CREC, mas marami pang komunidad, lalo na sa mga lalawigan, ang magkakaroon ng access sa mas malinis at mas maaasahang kuryente,” ani President and CEO Ortiz.
Itatayo ang mga proyekto sa ilalim ng Citicore Solar Embedded, Inc. katuwang ang Pampanga I Electric Cooperative (PELCO I) at San Jose City Electric Cooperative (SAJELCO). Direktang ikokonekta ang mga solar facility sa mga distribution utility upang mabawasan ang system losses at makatulong sa pagpapababa ng gastos sa kuryente, habang pinalalawak ang paggamit ng renewable energy.
Pinangunahan nina CREC Chairman Edgar B. Saavedra at LANDBANK President at CEO Ortiz ang signing event na ginanap noong Hulyo 14. Dumalo rin sina CREC President at CEO Tan, Director Manuel Louie B. Ferrer, at Chief Financial Officer Michelle Magdato, kasama ang mga opisyal ng LANDBANK na sina Executive Vice President Charlotte I. Conde, Senior Vice Presidents Gonzalo Benjamin A. Bongolan at Vilma B. Cervantes, at First Vice President Ann Marijell B. Ong.










