
Tumanggap ng kanilang ikatlong quarter na Social Pension (SOCPEN) ang 699 na senior citizens ngayong umaga, Hulyo 15, sa City Plaza ng Dagupan City.
Bago isinagawa ang distribusyon ng tulong pinansyal, nakibahagi muna sa isang ehersisyo ang mga nakatatandang benepisyaryo upang mapanatili ang kanilang kalusugan at sigla.
Kabilang sa mga tumanggap ay mga senior citizen mula sa mga barangay ng Pugaro, Herrero-Perez, Bolosan, Mayombo, at Barangay II at III.
Samantala, inaasahan namang makatatanggap ng kanilang Social Pension ang karagdagang 872 senior citizens sa itinakdang pamamahagi ngayong hapon.
Sa pakikipagtulungan ng Federation of Senior Citizens Association of the Philippines (FSCAP)–Dagupan, Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA), at City Treasurer’s Office, tiniyak ng mga opisyal ang maayos at organisadong distribusyon ng tulong pinansyal para sa mga nakatatandang mamamayan.
Layunin ng programang ito na patuloy na suportahan ang pangangailangang pinansyal at kapakanan ng mga senior citizen sa lungsod ng Dagupan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










