
Ayaw nang palakihin pa ni Defense Counsel Atty. Michael Poa ang isyu matapos na matanong ito ni Senator-Judge Raffy Tulfo kung may conflict of interest ba ang pakikipagpulong nito sa ilang Commission on Audit (COA) Officials noong nasa Department of Education (DepEd) pa ito para sa Impeachment Trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Poa, nagkaroon naman na ng ruling si Presiding Officer Chiz Escudero dito kung saan nilinaw nya na wala namang problema rito dahil si Poa ay parte lamang ng depensa at hindi siya mismo ang akusado.
Aniya, hindi naman ilegal ang nangyaring meeting o audit query na ito base na rin sa sagot ng testigo na si dating COA – Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) Auditor Roderick Wamil kung saan ang layon lamang nito ay malinawan sa mga guidelines.
Dagdag pa nya, hindi lang naman ang Office of the Vice President (OVP) at DepEd ang ahensyang nagkakaroon ng ganung klaseng pagpupulong.
Kaugnay nito, nilinaw din nya na unfair din naman kay Senator Tulfo na palakihin pa ang nasabing usapin dahil nagtanong lang naman ang senador ukol dito.










