Thursday, August 6, 2026

Senado, nagpasa ng resolusyon na nananawagan sa Pasig RTC na bawiin ang TRO sa ₱85 dagdag na sahod

Screenshot from Senate of the Philippines/YouTube

Pinagtibay sa Senado ang isang resolusyon na nananawagan sa Pasig Regional Trial Court na bawiin ang inisyung temporary restraining order (TRO) sa P85 na dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila.

Suportado at nilagdaan ng 21 senador ang inaprubahang Senate Resolution 577 na iniakda ni Senate Majority Leader Migz Zubiri.

Iginiit sa resolusyon na hayaan ng korte na maipatupad ang dagdag sahod na utos ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board o wage board para sa 1.1 million na minimum wage earners sa National Capital Region (NCR).

Bukod sa kailangan ito ng mga manggagawa at kanilang pamilya, iginiit ng mga senador na pinagbabawalan ng umiiral na labor code ang anumang korte at tribunal na mag-isyu ng anumang preliminary o permanent injunction o TRO laban sa anumang proceedings ng national at regional wage boards.

Paglilinaw naman ni Zubiri, hindi kinakalaban at hindi inuutusan ng Senado ang korte kundi umaapela lang ang mga mambabatas na bawiin ang TRO para ganap na maipatupad na ang umento sa sahod.

Facebook Comments