
Kinalampag ng grupong Manibela ang Department of Energy (DOE) ngayong may namumurong malakihang oil price rollback.
Sa pagtaya ng mga kumpanya ng langis, nasa P7.50 hanggang P9.50 ang bawas sa presyo ng kada litro ng diesel na habang P4 hanggang P5 naman sa gasolina.
Sa panayam ng DZXL RMN Manila kay Manibela Chairman Mar Valbuena, may mga tsuper aniyang nagpadala sa kanila ng mga gasolinahang hindi sumusunod sa itinakdang oil price rollback.
Dapat aniyang tutukan ito ng DoE lalo na’t malaki-laki ang bawas ng produktong petrolyo sa susunod na linggo partikular ang diesel na ginagamit ng mga jeepney driver sa kanilang jeep.
Inihirit din ni Valbuena na parusahan ng DoE ang mga kumpanyang nanamantala sa mga konsyumer dahil mataas pa rin ang presyo ng petrolyo.
Sa ngayon, naglalaro pa rin sa P83 ang kada litro ng diesel at P78 sa gasolina sa isang gasolinahan sa Pasay City.










