PINAKAMATAAS NA WATER LEVEL NG SINOCALAN RIVER NGAYONG TAON, NAITALA;16 BARANGAY SA STA. BARBARA, APEKTADO NG BAHA

Umabot na sa 6,255 pamilya ang apektado ng pagbaha sa Sta. Barbara, Pangasinan, dulot ng patuloy na epekto ng Habagat.

‎Opisyal nang isinailalim sa State of Calamity ang buong lalawigan ng Pangasinan sa bisa ng Provincial Resolution No. 985-2026 nitong Agosto 31, 2026.


‎Isa sa mahigpit na mino-monitor ngayon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO ng Sta. Barbara ang Sinocalan River, matapos umabot sa 7.80 meters above sea level o MASL ang water level nito, alas-7:00 ng umaga noong Agosto 31.


‎Ayon sa MDRRMO Sta. Barbara, nasa above critical level na ang lebel ng tubig at ito na rin ang pinakamataas na water level na naitala sa Sinocalan River ngayong taon.

‎Dahil dito, pinaalalahanan ang mga residenteng nakatira malapit sa ilog na manatiling alerto at patuloy na bantayan ang lebel ng tubig, lalo na sa posibilidad ng mabilis na pagtaas nito.

‎Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Raymondo T. Santos, Head ng MDRRMO Sta. Barbara, sinabi nitong umabot na sa 6,255 pamilya ang apektado ng pagbaha.


‎Sa naturang bilang, 40 pamilya o 134 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa evacuation centers.

‎Samantala, 16 na barangay na ang nakaranas ng pagbaha o pagtaas ng lebel ng tubig-baha.

‎Dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig, nakararanas ng pangamba ang ilang residenteng nakatira malapit sa Sinocalan River, lalo na sa mga lugar na lampas-tao na ang lalim ng baha.

‎Ayon pa kay Santos, kabilang sa pangunahing pangangailangan ngayon ng mga evacuee ang malinis na tubig.


‎Tiniyak naman ng MDRRMO Sta. Barbara ang kahandaan nitong rumesponde sakaling kailanganin ng mga residente ang agarang tulong o paglikas.

‎Hinikayat ni Santos ang mga residenteng nangangailangan ng assistance na huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang agad silang masundo at mailipat sa pinakamalapit na evacuation center. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments