Opisyal nang isinailalim sa State of Calamity ang lalawigan ng Pangasinan sa pamamagitan ng Provincial Resolution No. 985-2026 kahapon, August 31, 2026, kasabay ng patuloy na pagtugon ng mga awtoridad sa epekto ng Habagat o Southwest Monsoon sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Sa kabila ng tuloy-tuloy na pag-ulan, patuloy na kumikilos ang mga council members, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMOs), response clusters at iba pang responders upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng masamang panahon.
Nagsagawa na rin ng rescue at response operations sa Mangatarem, Agno, Bani at Urbiztondo matapos magdulot ng pagbaha sa ilang lugar ang walang tigil na malalakas na pag-ulan.
Katuwang ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang Philippine National Police, Philippine Army 71st Infantry Kaibigan Battalion, mga MDRRMO ng mga apektadong bayan, local responders at mga volunteers sa pagpapatupad ng mga kinakailangang operasyon.
Patuloy rin ang koordinadong rescue, monitoring, evacuation assistance at iba pang interventions sa kabila ng mapanganib na kondisyon sa ilang lugar.
Tinututukan din ng mga kinauukulan ang lebel at kondisyon ng tubig sa mga kailugang sakop ng lalawigan, habang maaga ring inaabisuhan ang mga lugar na posibleng maapektuhan sakaling magkaroon ng pagpapakawala ng tubig mula sa San Roque Dam habang dumadaloy ito sa Agno River.
Sa gitna ng patuloy na banta ng masamang panahon, nananawagan ang mga kinauukulan sa publiko na manatiling alerto, mag-ingat at makipagtulungan sa mga awtoridad para sa kaligtasan ng bawat isa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







