Tuesday, April 21, 2026

PNP, nagpahayag ng kahandaan na tumulong sa US FBI sa pagtugis sa Pinoy na suspek sa online child exploitation

Nagpahayag ng kahandaan ang Philippine National Police (PNP) na tumulong sa Federal Bureau of Investigation (FBI) sa pagtunton sa isang Pilipinong suspek sa umano’y pananamantala sa mga menor de edad gamit ang online gaming at social media platforms.

Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., bukas ang PNP sa pakikipagtulungan upang mahanap at mapanagot ang nasabing suspek, sa koordinasyon sa iba pang ahensya ng pamahalaan.

Nabatid na nag-alok ang FBI ng $25,000 na pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Austin Jan Sy Yatco.

Ayon sa FBI, may ugnayan si Yatco sa Plano at sa Pilipinas, kung saan pinaniniwalaang kasalukuyan siyang naninirahan.

Dagdag ni Nartatez, nagpapatuloy ang intelligence gathering at pagmamanman ng pulisya sa posibleng galaw ng suspek sa loob ng bansa. Nakaalerto na rin aniya ang mga specialized units upang matiyak ang kahandaan sa parehong cyber at ground operations habang tinutukoy ang posibleng kinaroroonan nito.

Facebook Comments