Lumobo na sa ₱637.17 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa Ilocos Region kasunod ng pinagsamang epekto ng mga Tropical Cyclone na Luis, Maymay at Neneng, gayundin ng Southwest Monsoon o Habagat.
Batay sa Bulletin No. 6 ng DA-DRRM Ilocos Region nitong Agosto 26, umabot na sa 20,294 magsasaka sa rehiyon ang naapektuhan ng magkakasunod na sama ng panahon.
Pinakamalaking bahagi ng naitalang agricultural losses ay mula sa palay, na kumakatawan sa 53.9 porsiyento ng kabuuang halaga ng pinsala.
Sa bilang ng mga apektadong magsasaka, 13,767 ang rice farmers, 664 ang corn farmers, dalawa ang cassava farmers, habang 2,481 naman ang nagtatanim ng high-value crops.
Hindi lamang mga pananim ang napinsala. Patuloy ding naitatala ang epekto ng kalamidad sa ilang agricultural infrastructure, na bahagi rin ng isinasagawang assessment ng mga kinauukulang ahensya.
Bagama’t bumubuti na ang lagay ng panahon sa ilang bahagi ng rehiyon, hindi pa pinal ang ₱637.17 milyong halaga ng pinsala.
Patuloy pa ang pangangalap, validation at consolidation ng mga damage report mula sa mga lugar na tinamaan ng mga nagdaang sama ng panahon.
Dahil dito, posible pang tumaas ang kabuuang halaga ng agricultural losses sa Ilocos Region sa mga susunod na bulletin habang nagpapatuloy ang assessment sa mga apektadong lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






