500 MARKET VENDORS NA APEKTADO NG BAGYO AT HABAGAT, SAKOP SA ₱2,000 AICS ASSISTANCE

Tinatayang 500 market vendors sa lungsod ang sakop sa pamamahagi ng tig-₱2,000 financial assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga vendor na naapektuhan ang kanilang pagtitinda at pinagkukunan ng kita dahil sa sunod-sunod na bagyo at epekto ng Habagat.

Sa ilalim ng assistance, ₱2,000 ang nakalaan sa bawat kwalipikadong market vendor, o katumbas ng tinatayang ₱1 milyon para sa 500 target na benepisyaryo.

Isinasagawa ang payout katuwang ang Department of Social Welfare and Development o DSWD at City Social Welfare and Development Office o CSWDO.

Dumaragdag ang financial assistance sa mga ayudang ipinagkakaloob sa mga sektor na nawalan o nabawasan ng kita kasunod ng masamang panahon.

Ayon sa grupong nanguna sa programa, patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya para sa pagtukoy at pagbibigay ng tulong sa iba pang residenteng nangangailangan.

Samantala, wala pang ibinigay na detalye kung may nakalaan pang karagdagang payout para sa iba pang market vendors na hindi kabilang sa kasalukuyang 500 benepisyaryo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments