PITONG MIYEMBRO NG UMANOY SINDIKATO NG PAGNANAKAW, TIKLO SA ILOCOS SUR

Pitong hinihinalang miyembro ng isang organisadong sindikato ng pagnanakaw ang naaresto ng mga operatiba ng Police Regional Office 1 (PRO 1) matapos ang isang mabilis at koordinadong dragnet operation sa Ilocos Sur noong May 16, 2026.

Ayon sa PRO 1, nabawi rin sa operasyon ang mahigit P1.1 milyong halaga ng umano’y ninakaw na pera, alahas, cellphone, at ilegal na droga.

Nagsimula ang insidente bandang alas-7:35 ng umaga sa vegetable section ng Vigan City Public Market kung saan target umano ng mga suspek ang isang 60 anyos na tindera.

Ginamitan umano ng grupo ng distraction tactic ang biktima habang kunwaring bumibili ng gulay ang ilan sa mga suspek.

Sa gitna ng kaguluhan, tinangay umano ng isa sa mga kasabwat ang itim na sling bag ng biktima at itinago ito sa loob ng eco-bag.

Agad namang rumesponde ang ilang vendor sa palengke at napigilan ang pangunahing suspek, isang 42 anyos na babae na residente ng Tondo, Maynila, bago dumating ang mga tauhan ng Vigan City Police Station.

Dahil pinaniniwalaang bahagi ng mas malaking grupo ang naarestong suspek, agad nagsagawa ng regional dragnet operation ang pulisya gamit ang strategic SEAL-OFF PLAN ng PRO 1 upang harangin ang posibleng rutang dadaanan ng mga suspek.

Bandang alas-9:00 ng umaga, o wala pang dalawang oras matapos ang insidente, naharang ng mga operatiba ng Sto. Domingo Municipal Police Station ang sinasabing getaway vehicle ng grupo na isang kulay maroon na AUV sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Vacunero.

Anim pang suspek, na pawang residente umano ng Metro Manila, ang naaresto sa operasyon.

Sa isinagawang paghahalughog sa sasakyan at mga suspek, narekober ang cash na nagkakahalaga ng P648,120 sa iba’t ibang denominasyon, mga alahas na tinatayang nagkakahalaga ng P500,000, ilang hinihinalang nakaw na cellphone, at isang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng tinatayang 1.1 gramo at may standard drug price na P7,480. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments