PNP at Fil-Chinese community leaders, nagpulong kasunod ng sunod-sunod na pagdukot sa ilang Chinese nationals

Nagpulong ngayong araw sina Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil at ang mga lider ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) matapos ang sunod-sunod na kaso ng pag-kidnap at pagpatay sa ilang Chinese nationals sa bansa.

Sa gitna ng tumitinding pangamba ng Filipino-Chinese community, tiniyak ni Gen. Marbil na buo ang aksyon ng PNP upang habulin at pananagutin ang mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen.

Nagkasundo rin ang PNP at FFCCCII na bumuo ng mas matibay na ugnayan sa seguridad tulad ng mas mahigpit na pagbabantay sa mga negosyo, mas malawak na surveillance, hanggang sa pagbibigay ng safety briefings sa mga miyembro ng komunidad.

Binanggit din ng PNP chief na nananatiling ligtas ang Pilipinas para sa business at travel at patuloy na naka-alerto laban sa anumang banta sa kapayapaan at kaayusan.

Facebook Comments