
Kailangang munang kumuha ng working child permit ang employer, magulang, o guardian ng wala pang 15 taong gulang na bata kung magtatrabaho ito sa public entertainment o iba pang anyo ng media.
Yan ang laman ng inilabas na bagong panuntunan ng Department of Labor and Employment o DOLE, partikular ang Labor Advisory No. 12, Series of 2026, kaugnay sa pagbibigay ng work permit para sa mga batang magtatrabaho sa nasabing industriya.
Maliban dito, kailangan ding kumuha ng working permit kung ang bata ay ifi-feature sa mga online content at digital platforms.
Sakop ng nasabing panuntunan ang pagtatrabaho ng isang bata na wala pang 15 taong gulang sa social media, vlogs, digital advertisements, web series, podcasts, streaming platforms, pelikula, teatro, radyo, at iba pang anyo ng media.
Ayon sa DOLE, layon umano ng panuntunan na masigurong nasa maayos na kapakanan at ligtas ang mga batang kalahok, alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.










