
Welcome kay Executive Secretary Ralph Recto ang motion for reconsideration (MR) na inihain ng mga grupo ng mga duktor at abogado matapos ibasura ng Ombudsman ang reklamong may kaugnayan sa paglilipat ng P60 bilyong pondo ng PhilHealth.
Ang kaso ay may kaugnayan sa paglipat ng P60 bilyon mula sa PhilHealth patungo sa National Treasury noong kalihim pa si Recto ng Department of Finance.
Ayon kay Recto, hindi naapektuhan ng naturang hakbang ang operasyon ng PhilHealth at ang mga serbisyong natatanggap ng mga miyembro nito.
Ang inilipat na pondo aniya ay mula sa sobrang government contributions at reserve funds na hindi nagamit ng PhilHealth noong mga panahong iyon.
Sinabi rin ni Recto na karapatan ng mga naghain ng MR na ituloy ang kanilang legal na hakbang, ngunit nananatili siyang kumpiyansa sa naging desisyon ng mga kinauukulang ahensya sa usapin.










