Thursday, June 25, 2026

Malacañang, hinamon si Sen. Alan Cayetano na patunayang napabayaan ng Marcos administration ang flood control probe

Hinamon ng Malacañang si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na patunayan ang pahayag nitong napabayaan ng administrasyon ang imbestigasyon sa umano’y flood control scam dahil sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, walang katotohanan ang naturang alegasyon dahil tuloy-tuloy ang ginagawang imbestigasyon at mga hakbang ng pamahalaan laban sa mga sangkot sa umano’y anomalya sa mga flood control project.

Sinabi ni Castro na nagpapatuloy ang koordinasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), Department of Justice (DOJ), at Office of the Ombudsman upang matukoy at mapanagot ang mga responsable.

Iginiit din niya na hindi kailanman naging paksa sa mga pulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ng kanyang Gabinete ang impeachment trial, taliwas sa paratang ni Cayetano.

Dahil dito, kinuwestiyon ni Castro kung saan ibinabatay ng senador ang kanyang mga pahayag at pabirong sinabi na tila sa Facebook lamang umano nito kinukuha ang mga impormasyon.

Facebook Comments