Magsisilbing ‘eye-opener’ sa kampanya kontra iligal na droga ang pagtanggap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa courtesy resignations ng ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang iginiit ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., bilang bahagi ng paglilinis sa kanilang hanay.
Sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos Jr., inanunsyo nito ang pagtanggap sa pagbibitiw ng 18 third-level officers ng PNP na isinasangkot sa iligal na droga.
Kabilang na rito ang tatlong police general at 15 police colonel.
Ayon kay Acorda, ipinag-utos niya ang pag-relieve sa mga opisyal at paglipat sa kanila sa Personnel Holding and Accounting Unit ng PNP Directorate for Personnel and Records Management.
Layunin aniya nito na maiwasan na makapag-impluwensya o magsagawa ng mga iligal na aktibidad ang mga opisyal gamit ang kanilang mga posisyon.