
Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na susunod sila sa utos ng Civil Service Commission (CSC) na nagbabawal sa mga kawani ng gobyerno na makisali sa anumang partisan political activities, lalo na ngayong papalapit na ang 2025 midterm elections.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, naninindigan ang buong hanay ng Pambansang Pulisya na mananatiling propesyonal at may integridad sa panahon ng halalan.
Mariing babala pa ni Marbil, hindi niya palalagpasin ang sinumang pulis na masasangkot sa partisan politics kung saan posibleng masuspinde o masibak sa serbisyo ang sinumang lalabag.
Nauna nang nilinaw ng CSC na puwedeng mag-like, mag-share, mag-comment, o mag-repost ng election-related content sa social media ang mga kawani ng pamahalaan, basta’t hindi ito hayagang nangangampanya o tumututol sa sinumang kandidato.