
Titingnan pa ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP – CIDG) kung tuluyan nang mailalabas si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan sa kabila ng release order ng Sandiganbayan 5th Division na inisyu sa kanya ngayong araw.
Ayon kay PNP Public Information Officer (PIO) Chief Police Col. Allen Rae Co, susuriin pa ng PNP-CIDG kung may mga pending pang warrant o kaso ang nasabing dating kalihim bago ito tuluyang irelease sa kanilang kustodiya.
Tiniyak naman ni Co na sakaling masuri na wala nang pending warrants o kaso si Bonoan ay irerelease na nila ito agad base sa kautusan ng Sandiganbayan.
Bukas naman ng umaga inaasahan na lalabas na rin ang ulat ng PNP-CIDG kung pwede nang makalabas ang dating Kalihim.










