
Ipinanawagan ng mga senador ang agad na pagpapasa ng batas para sa seryosong pangangalaga ng ating marine resources sa loob ng exclusive economic zone o EEZ.
Partikular na isinusulong ang tatlong panukalang batas na may kaugnayan sa West Philippine Sea (WPS) na kasalukuyang nakabinbin sa kongreso ang Blue Economy Act, panukalang Center for West Philippine Studies at panukalang National West Philippine Sea Day.
Ayon kay Senator Loren Legarda, malinaw sa ating konstitusyon na dapat maprotektahan ang ating marine resources sa loob ng EEZ at matiyak na mga kababayan natin ang makikinabang dito.
Tulad ng panukala niyang Blue Economy Act, makapagbibigay ito ng mensahe sa mga local at foreign investors, at coastal communities na mayroon tayong klarong framework kung saan maaari silang mag invest at magkaroon ng explore opportunities.
Sinabi naman ni Senator Erwin Tulfo na dapat na palakasin ng kongreso ang mga batas na titiyak sa tranparency, environmental protection, patas na revenue sharing at safeguards laban sa illegal exploitation ng ating marine resources sa ating EEZ.
Inihain naman muli ni Senator Risa Hontiveros ang panukalang batas na naglalayong ideklara ang July 12 bilang National West Philippine Sea Victory Day bilang paggunita sa tinamong tagumpay ng bansa sa permanent court of arbitration.










