POLICE REGIONAL OFFICE 2, INILATAG NA ANG KANILANG DEPLOYMENT PLAN

CAUAYAN CITY – Nakahanda na para sa Semana Santa ang Police Regional Office 2 (PRO2) sa pamamagitan ng maagang paglalatag ng deployment plan at mga panuntunan para sa seguridad ng publiko.

Sa pahayag ni Police Major Sharon Malillin, tagapagsalita ng PRO2, unang araw palanh ng Abril ay nakaalerto na ang buong hanay ng pulisya sa rehiyon upang tiyaking maayos ang daloy ng mga aktibidad, at ligtas ang bawat mamamayang uuwi sa mga probinsya o dadalo sa mga panrelihiyosong pagdiriwang.

Tinatayang nasa 7,679 na pulis ang ipakakalat sa iba’t ibang panig ng rehiyon para magbantay sa mga simbahan, pangunahing kalsada, pamilihan, terminal, at mga pasyalan na karaniwang dinarayo ng publiko.

Dagdag pa nito na kabilang sa mga prayoridad na binabantayan nila ngayong Semana Santa ay ang mga insidente ng aksidente sa kalsada, pagkalunod, at pagnanakaw.

Katuwang ng kapulisan ang mga force multipliers mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, barangay officials, at mga miyembro ng civil society groups para sa pagpapanatili ng seguridad, lalo na sa mga lugar na mataas ang bilang ng mga dumadayo.

Hinihikayat rin ng PRO2 ang publiko na ipagbigay-alam sa mga otoridad kung may mapansing kahina-hinalang kilos o pangyayari upang agad itong matugunan.

Facebook Comments