
Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng pamahalaan para sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa Setyembre 14, kasabay ng pagtitiyak na tuloy-tuloy ang usad ng political track ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Naka-full alert na ang Armed Forces of the Philippines partikular ang 6th Infantry Division, at mahigpit na nakikipag-ugnayan sa Philippine National Police para bantayan ang mga lugar na posibleng magkaroon ng kaguluhan.
Ayon kay Lt. Col. Ronald Suscano, commander ng 6th Civil-Military Operations Battalion, mas pinaigting ang “proactive” security measures ng Joint Task Force Central na nakatuon sa maagap na pagtukoy ng banta at mabilis na aksyon, hindi lang paghihintay ng insidente.
Hindi lang sa mga siyudad nakatutok ang deployment kung saan ikinakalat na rin ang tropa sa mga liblib na barangay at munisipalidad sa Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte, pati na sa ilang bahagi ng Cotabato Province at Cotabato City kung saan madalas uminit ang tensyon tuwing eleksyon.
Pinalakas din ang intelligence operations sa tulong ng community networks upang bantayan ang extremist at armadong grupo, kabilang ang BIFF, na maaaring magamit sa pulitika.
Nagdagdag narin ng checkpoint at pinaigting ang patrolya at surveillance upang maiwasan ang gulo nang hindi nagdudulot ng takot.
Itinuturing ang halalan bilang mahalagang hakbang sa pagpapatupad ng CAB kung saan lilipat ang BARMM sa isang fully elected parliamentary government.










