
Para kay House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, makabubuting silipin ng Office of the Ombudsman ang posibleng malversation sa maling paggamit ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Ridon, posibleng may malversation na nagawa si VP Duterte gayundin ang kanyang security officer na si Col. Raymund Dante Lachica at (Office of the Vice President) OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta.
Panawagan ito ni Ridon, makaraang makitaan ng pattern ang ilang beses na pagwithdraw ng Office of the Vice President ng tig-125 million pesos na confidential funds.
Ipinunto ni Ridon na kwestyunable din ang pinaggamitan nito tulad ng renta at maintenance ng safe house na umabot sa P16 million noong 2022 gayundin noong 1st at 2nd quarter ng 2023.
Binanggit din ni Ridon ang pagkumpirma ni OVP Assistant Secretary and Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio sa impeachment trial na sa loob ng 11 araw noong December 2022 ay ginastos ang P125 million na confidential funds.
Diin ni Ridon, malinaw na inabuso, nilaro at pinera ang confidential funds ng OVP.










