
Iniimbestigahan na ng Office of the Ombudsman ang mga flood control project sa Davao City upang alamin kung may iregularidad o korapsyon sa pagpapatupad ng mga ito.
Sa budget deliberations ng Kamara, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na malaking halaga ng pondo para sa flood control ang dating nailaan sa Davao City, dahilan para tawagin niya itong “epicenter” ng flood control bago ang Marcos administration.
Nilinaw naman ni Remulla na hindi niya tinatawag na “epicenter of corruption” ang Davao City at kailangan munang suriin ang mga ebidensya at aktuwal na mga proyektong ipinatupad.
Nauna nang hiniling ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio sa Ombudsman na imbestigahan ang mga flood control project sa lungsod.
Ayon kay Remulla, patuloy nilang pag-aaralan ang mga dokumento at ebidensya kaugnay ng mga naturang proyekto.










