Nakatakda nang simulan sa Dagupan City ang preliminary phase para sa 2027 National Household Survey on the Patterns and Trends of Drug Abuse, matapos bumisita sa lungsod noong Setyembre 29 ang survey team ng Dangerous Drugs Board (DDB).

Tinanggap ni City Mayor Belen T. Fernandez ang DDB survey team kasama ang mga kinatawan ng Dagupan City Police Office (DCPO), City Legal Office at DILG City Local Government Operations Office (CLGOO) para sa courtesy visit na bahagi ng paghahanda sa nationwide survey.

Kabilang sa layunin ng survey ang pangangalap ng datos mula mismo sa mga komunidad para matukoy ang mga pattern at trend ng drug abuse at magkaroon ng malinaw na assessment ng sitwasyon sa bawat lugar.

Ang makokolektang impormasyon ay gagamitin bilang batayan ng mga lokal na pamahalaan at barangay sa pagsusuri ng kanilang mga partikular na concern kaugnay ng drug abuse at sa pagbuo ng mga kaukulang mga programa.

Ang aktibidad sa Dagupan ay bahagi ng preparatory phase bago ang aktuwal na pagsasagawa ng 2027 National Household Survey, na isasagawa sa mga piling komunidad bilang bahagi ng pambansang data-gathering initiative ng DDB. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments