
Walang nakikitang banta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa seguridad ng bansa sa naging presensya ng Chinese PLA Navy Vessel at unmanned surface vessel na namataan na nakitang nagooperate sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon kay Retired Real Admiral Roy Vincent Trinidad, Spokesperson for the West Philippine Sea, aware sila sa mga ulat kaugnay ng presensya ng mga nasabing vessel ng China.
Aniya, tina-track na nila at mino-monitor na ang sitwasyon sa koordinasyon sa ibang maritime agencies.
Hinikayat naman nito ang publiko na manatiling kalmado, iwasan ang mga espekulasyon at mag-rely lamang sa mga beripikadong impormasyon mula sa opisyal na government sources.
Nabatid na nakuhanan ng sea drone ng isang private firm ng US ang nasabing Chinese warship sa loob ng EEZ ng bansa kung saan kinumpirma na isa itong Chinese Navy Type 052D Destroyer.










