Presyo ng halos 200 noche buena items, tumaas! – DTI

Tumaas ang presyo ng 195 sa 223 na Noche Buena items sa mga pamilihan.

Ito ay batay sa inilabas na price guide ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa mga mamimili at retailers sa darating na Kapaskuhan.

Sa 195, 94 sa mga ito ang nagtaas ng mahigit 10%, habang 51 naman ang nagmahal mula 6% hanggang 10%, at 50 items ang nagmahal ng 1% hanggang 5%.


Kabilang sa mga produktong nagtaas-presyo ay ang ham, queso de bola, pasta o spaghetti, elbow macaroni, fruit cocktail, salad macaroni, spaghetti, tomato sauce, at all-purpose cream.

Bukod dito, mayroon pang 18 bagong product variants ang idinagdag sa listahan.

Ayon sa DTI, dahil hindi maituturing na basic necessities at prime commodities ang mga naturang produkto kaya posible talaga itong magtaas ng presyo, alinsunod na rin sa itinakda ng Republic Act No. 75181 na inamyendahan ng RA No. 10623.



Posible rin anilang tumaas pa ang presyo ng Noche Buena items dahil sa pagtaas ng presyo ng mga sangkap at raw materials sa paggawa nito.

Facebook Comments