
Pinagtatakda ni Senator Risa Hontiveros ng price cap o ceiling ang singil sa kuryente tuwing panahon ng emergency at kalamidad.
Sa Senate Bill 2361, layunin ng panukala na protektahan ang mga consumers mula sa pagtaas ng singil sa kuryente kapag may deklarasyon ng state of emergency o calamity.
Pinaamyendahan sa panukala ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001 kung saan bibigyan ang pangulo ng kapangyarihan na magtakda ng price ceiling sa presyo ng kuryente kapag may krisis o kalamidad.
Idiniin ni Hontiveros na hindi dapat hayaan na walang kontrol sa pagtaas sa singil sa kuryente lalo na sa panahon ng krisis dahil lahat ay apektado rito kahit ang mga pamilya na kabilang sa middle-income class na nahihirapan din sa mataas na presyo ng pagkain, transportasyon, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan.
Nakasaad sa panukala ang pagpapairal ng 90 araw na moratorium o pagbabawal sa diskoneksyon ng kuryente at pag-obliga sa distribution utilities na mag-alok ng deferred payment schemes sa residential consumers at micro, small and medium enterprises.
Pahihintulutan naman ang mga consumer na magbayad lang muna ng average na monthly bill sa kuryente sa loob ng tatlong buwan habang ipinoprotesta ang paglobo ng bayarin.
Hinimok din ni Hontiveros ang mga kasamahang senador na suportahan ang agarang pagpapasa ng panukala.










