Wednesday, June 17, 2026

Sen. Alan Cayetano, bumaba na sa pwesto

Mistulang tinanggap na nga ni Senator Alan Peter Cayetano ang inaasahang pagpapalit sa liderato ng Senado matapos niyang ihayag ang kanyang pagbaba sa pwesto ngayong umaga.

Sa kanyang Facebook post, sinabi niyang nakausap niya si Senator Joel Villanueva at mukhang magkakaroon na ng bilang ang Gatchalian bloc para maghalal ng bagong Senate President na kanyang kapalit sa pwesto.

Tiniyak ni Cayetano na hindi niya hahadlangan ang botohang ito lalo’t walang leadership ang permanente o pagaari ninuman.

Tinukoy ni Cayetano na nagbago nga ang bilang pero hindi mababago ang nakasaad sa Konstitusyon at ang paninindigan na ang nangyari noong June 3 na sesyon at balasahan sa liderato ay hindi tumatalima sa tamang quorum.

Gayunman, nilinaw ni Cayetano na hindi nila ito minamasama sa mga kapwa mambabatas dahil ito ay dulot ng pilit na panghihimasok ng ehekutibo na nagpapahina sa kanilang institusyon bilang co-equal branch.

Sa huli, sinabi ni Cayetano sa kanyang post na bababa man siya bilang Senate President pero mananatili siyang PS o Public Servant ng mga Pilipino.

Facebook Comments