PROJECT I.N.A.R.O., INILUNSAD NG DAGUPAN CITY POLICE PARA SA KALIGTASAN AT KAPAKANAN NG MGA MAG-AARAL

Inilunsad ng Dagupan City Police Office (DCPO), sa pamamagitan ng City Mobile Force Company (CMFC), ang Project I.N.A.R.O. (Inspiring Neighborhoods through Assistance, Responsive Outreach) sa Salapingao Elementary School sa Barangay Salapingao noong Hulyo 29, 2026.

Pinangunahan ang programa ni PLTCOL Rodel V. Silaran, Company Commander ng CMFC, sa ilalim ng pamumuno ni PCOL Arnold P. Solomon, City Director ng Dagupan City Police Office.

Layunin ng Project I.N.A.R.O. na palakasin ang ugnayan ng pulisya at komunidad sa pamamagitan ng patuloy na mga programa sa edukasyon hinggil sa kaligtasan, pag-iwas sa krimen, at pagbibigay ng serbisyong makatao. Isinusulong din nito ang Whole-of-Nation Approach sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng pulisya, mga paaralan, lokal na pamahalaan, at mga residente upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.

Bilang bahagi ng paglulunsad, nagsagawa ang mga tauhan ng CMFC ng mga lecture tungkol sa crime prevention, anti-terrorism awareness, at pangangalaga sa kababaihan at kabataan.

Nagkaloob din ang mga pulis ng rain boots at mga payong sa mga kindergarten pupils ng Salapingao Elementary School upang makatulong na mapanatili silang ligtas at tuyo ngayong tag-ulan.

Naging matagumpay ang programa sa tulong ng sama-samang suporta ng Dagupan City Police Office, mga guro at kawani ng paaralan, mga opisyal ng barangay, mga magulang, at iba pang katuwang sa komunidad. Ayon sa DCPO, inaasahang magpapatuloy ang Project I.N.A.R.O. bilang isang pangmatagalang programa na magpapalakas sa seguridad, kamalayan, at malasakit sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments