196 NA PULIS SA PRO 1, NAKATANGGAP NG MAS MATAAS NA RANGGO SA PROMOTION CEREMONY

Pormal na iginawad ng Police Regional Office 1 (PRO 1) ang mas mataas na ranggo sa 196 na unipormadong tauhan sa isinagawang sabayang oath-taking, donning, at pinning of ranks bilang bahagi ng First Cycle Calendar Year 2026 Regular Promotion Program.

Idinaos ang seremonya sa PRO 1 Grandstand sa Camp BGen Oscar M. Florendo sa Parian, Lungsod ng San Fernando, La Union.

Kinilala sa okasyon ang dedikasyon, husay, at natatanging serbisyo ng mga pulis na nagpakita ng mataas na antas ng propesyonalismo at katapatan sa tungkulin.

Kabilang sa mga napromote ang 51 Police Captains na naging Police Majors, apat na Police Lieutenants na naging Police Captains, dalawang Police Executive Master Sergeants na naging Police Lieutenants, siyam na Police Senior Master Sergeants na naging Police Chief Master Sergeants, 36 na Police Staff Sergeants na naging Police Master Sergeants, 34 na Police Corporals na naging Police Staff Sergeants, at 60 Patrolmen na naging Police Corporals.

Ayon sa PRO 1, higit pa sa pag-angat ng ranggo ang seremonya sapagkat ito ay sumisimbolo ng panibagong panunumpa sa mga prinsipyo ng dangal, integridad, disiplina, at tapat na paglilingkod sa publiko. Kaakibat ng bagong ranggo ang mas malaking pananagutan, mas mataas na inaasahan, at mas mabigat na responsibilidad sa pamumuno at pagpapanatili ng tiwala ng mamamayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments