
Tiniyak ng House Committee on Energy ang mabilisang pagpapatibay sa mga panukalang batas na magpapatupad sa mga repormang isinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na layuning maibaba ang singil sa kuryente.
Diin ni Committee Chairman Palawan 2nd District Rep. Jose Alvarez na buo ang kanilang suporta sa mga inilatag na priority energy measures ni Pangulong Marcos upang mapabuti ang kalidad ng pamumuhay ng mamamayang Pilipino at maibsan ang kanilang pasanin habang pinapalakas ang mga industriya at sektor ng enerhiya.
Binanggit ni Alvarez na naipasa na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang mga panukalang Waste-to-Energy Act, Energy Storage Systems Act, Energy Regulatory Commission Restructuring Act, at Biofuels Act na pawang kabilang sa Energy Legislative Agenda ng administrasyon.
Ayon pa kay Alvarez, ngayon ay pagtutuunan nila ng oras ang isinusulong ng pangulo na tuldukan ang pagpapasa ng system loss charges sa bayarin ng publiko.
Nabanggit din na kanilang tututukan ang panukalang Sariling Kuryente Act na layuning alisin ang mga balakid para sa paglalagay ng rooftop solar panels at battery energy storage systems sa bawat kabahayan.










