Patuloy na naghahatid ng libreng serbisyong beterinaryo ang City Veterinary Office ng San Carlos City para sa mga livestock farmers bilang bahagi ng programa ng lokal na pamahalaan na mapanatiling malusog at produktibo ang mga alagang hayop.
Isinagawa kamakailan sa Barangay Calomboyan ang Hemosep Vaccination, deworming, at vitamins supplementation para sa mga baka at kambing upang maprotektahan ang mga ito laban sa sakit at mapalakas ang kanilang resistensya.
Ayon sa City Veterinary Office, layunin ng programa na maiwasan ang pagkalat ng Hemorrhagic Septicemia (Hemosep), isang mapanganib na sakit na maaaring ikamatay ng mga baka at kalabaw. Bukod dito, nakatutulong din ang pagbabakuna upang mabawasan ang pagkalugi ng mga livestock raisers at mapanatili ang mataas na produksyon ng kanilang mga alagang hayop.
Isinagawa rin ang deworming upang maalis ang mga internal parasites na nakaaapekto sa kalusugan at paglaki ng mga hayop, habang ang pagbibigay ng bitamina ay nagsisilbing karagdagang suporta sa kanilang immune system upang manatiling malakas at malusog.
Binigyang-diin ng City Veterinary Office na patuloy itong magsasagawa ng mga programang pangkalusugan para sa mga alagang hayop bilang suporta sa kabuhayan ng mga magsasaka at upang maisulong ang mas ligtas, mas produktibo, at mas maunlad na sektor ng paghahayupan sa San Carlos City. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






