Thursday, July 9, 2026

Prosekusyon, hindi na nagsagawa ng re-direct examination sa kanilang testigong si Calilung dahil hindi naman nabutasan ng defense team ang testimonya nito

Nagpasya ang House Prosecution Panel na huwag ng magsagawa ng re-direct examination sa kanilang ipinrisintang testigo sa impeachment trial na si National Bureau of Investigation agent John Mark Calilung.

Ayon kay House trial Spokesperson at Lanao Del Sur Rep. Zia Alonto-Adiong, ito ay dahil nanatiling malakas ang testimonya ni Calilung at hindi ito natinag ng ilang oras na cross examination ng depensa.

Giit ni Adiong, bigo ang depensa na magiba ang testimonya at mga ebidensyang ipinrisinta ni Calilung na sumusuporta sa ikaapat na article of impeachment patungkol sa pagbabanta ni Vice President Sara DUterte na ipapapatay sina Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr, 1st Lady Liza Araneta Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez

Binigyang-diin ni Adiong na sa katunayan, ay lalo pang tumibay ang testimonya ni Calilung sa halip na mabutasan ng abogado ng defense team ni VP Duterte.

Samantala, nakalinya na ang mga testigong ipiprisenta ng prosekusyon sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa susunod na linggo.

Kinabibilangan ito nina NBI regional director Atty. Jeremy Lotoc, Chief of Staff ng Office of the Vice President na si Atty. Zuleika Lopez at House of Representatives Sergeant at Arms Captain Belinda Bello.

Facebook Comments