Wednesday, July 8, 2026

Presiding Officer Chiz Escudero, may paalala sa mga kapwa senator-judges

Pinaalalahanan ni Senate Impeachment Court presiding officer Chiz Escudero ang mga kasamahang senator-judge na iwasan ang pagtatanong na tila tumutumbok na sa magiging desisyon ng impeachment court sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte.

Kaugnay ito sa naging pagtatanong ni Senator-judge Risa Hontiveros kay Atty. Amando Virgil Ligutan ng prosecution team, kung impeachable offense na bang maituturing ang mga video ng pagbabanta ni VP Sara laban kay Pangulong Ferdinand Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez bagama’t wala pang matibay na batayan na talagang may taong kinontrata ang bise presidente para ipaligpit ang pangulo.

Nanindigan ang panig ng prosekusyon na talagang may intensyon at may nalalaman talaga si VP Duterte para pagbantaan ang buhay ng pangulo.

Gayunman, binigyang-diin ni Escudero na tila final question na ang naging pagtatanong ni Hontiveros dahil kinukwestyon na kung impeachable act ang pahayag ng ikalawang pangulo.

Nag-react din si Senator-judge Pia Cayetano at sinang-ayunan ang posisyon ni Escudero na mistulang closing statement na hinahatulan na ang bise presidente at sa tingin niya hindi ito patas at hindi tama na maitanong ng isang huwes.

Bago mag-alas-6:30 kagabi ay natapos na ang ikalawang araw ng impeachment trial ni VP Sara at muling magpapatuloy ngayong araw para naman sa cross-examination ng depensa sa testigong si NBI agent John Mark Calilung.

Facebook Comments