Thursday, July 9, 2026

Pangangapa ng mga abogado ng depensa at prosekusyon, maaayos din sa mga susunod na linggo – impeachment court

Normal lang ang pangangapa sa mga unang araw ng paglilitis.

Ito ang pananaw ng tagapagsalita ng impeachment court na si Atty. Reginald Tongol kaugnay sa napansing pangangapa pa ng mga abogado ng bise presidente at maging ng prosekusyon sa unang linggo ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Tongol, ito talaga ang kadalasang nangyayari sa unang dalawa hanggang tatlong araw ng paglilitis partikular na sa istilo ng pagtatanong at kung gaano kabilis ang pagtatanong.

Gayunman, hindi naman ito magtatagal at asahan na sa mga susunod na linggo ay magagamay na ng mga abogado ng magkabilang panig ang proceedings.

Sa unang linggo ng paglilitis, isang testigo pa lang ang naisalang sa direct at cross-examination.

Pero inaasahan sa susunod na linggo ay maisasalang na ang tatlong pina-subpoena ng impeachment court na testigo ng prosekusyon kabilang dito sina Atty. Jeremy Lotoc ng National Bureau of Investigation, Atty. Zuleika Lopez at Capt. Belinda Bello.

Facebook Comments