
Nahaharap sa reklamong Grave Misconduct at Conduct Unbecoming of Police Officer ang isang Police Staff Seargent ng Pasig, na nag-viral dahil sa panunutok ng baril sa isang sasakyan na nagpapakarga ng gasolina sa Sandoval Avenue, Barangay Pinagbuhatan, Pasig City noong Linggo, October 25.
Aminado si Police Staff Sergeant Ryne Rene Ramores Balisi, sa pagharap sa National Police Commission o NAPOLOM, na mali ang kaniyang ginawa at humingi ng tawad sa complainant, handa rin umano siyang harapin ang nasabing mga reklamo.
Paliwanag ni Balisi, nag-away sila ng kaniyang live-in partner dahil sa selos, kaya siya biglaang um-absent sa trabaho at naglasing.
Ayon kay Police Colonel Wilson Delos Santos, hindi valid ang rason ni Balisi sa biglaang pagliban sa trabaho dahil hindi naman ito emergency.
Ayon naman kay Commissioner Ralph Calinisan, hindi rason ang pagkakaroon ng problema sa pamilya para manutok ng baril, dahil lahat naman ng tao ay nagkakaproblema, gayunpaman ay nasa tao na umano kung paano iha-handle ng pulis ang problema.
Sa ngayon, kinumpiska na ang baril at nakapag-piyansa na ng mahigit P3-K si Balisi, pero nasa ilalim ito ng restrictive custody, na ililipat sa Eastern Police District.










