
Naniniwala si Senator Ping Lacson na mas magiging lantad sa panganib na maaresto si Senator Ronald “Bato” dela Rosa kung magtatago ang senador sa ibang bansa.
Ayon kay Lacson, mahirap ang sitwasyon ni Sen. Bato dahil ang warrant sa kanya ay international kaya kapag pumunta siya sa ibang bansa, mas malalantad siya at mas madaling maaaresto.
Sinabi ng senador na kung sa Pilipinas inilabas ang arrest warrant laban kay Dela Rosa kaugnay sa pagkakasangkot niya sa giyera kontra iligal na droga ay pwede sana siyang makahanap ng kanlungan sa ibang bansa na walang extradition treaty sa Pilipinas.
Pero dahil ang warrant ng senador ay mula sa International Criminal Court (ICC), wala aniyang lulusutan ang mambabatas kaya mas ligtas siya kung nasa Pilipinas.
Naunang sinabi ni Lacson na bigyan ng due process si Dela Rosa at kung sakaling maaresto na ito, dapat maisagawa ito sa mapayapang paraan at walang trahedya.










