
Inanusyo ngayon ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) na ilang Uniformed at Non-uniformed Personnel ng kanilang hanay ang sumailalim sa Theoretical and Practical Driving Course mula Marso 4 hanggang 9.
Ang hakbang na ito ay inisyatiba ni QCPD acting Director PCol. Melecio Buslig Jr., at ng Land Transportation Office (LTO).
Ayon kay PCol. Buslig, nilalayon nito na mapahusay ng mga tauhan ng QCPD ang kanilang mga kasanayan sa pagmamaneho at matiyak ang pagsunod sa mga regulasyon sa kaligtasan sa kalsada.
Paliwanag pa ni Buslig na mula Marso 4 hanggang 5, inalok sa QCPD sa Camp Karingal ang mga serbisyo tulad ng pag-renew ng rehistro ng sasakyan at motorsiklo, pag-iisyu ng mga bagong lisensya sa pagmamaneho at pag-renew ng mga expired na lisensya.
Paliwanag pa ng opisyal na ang Theoretical Driving Course o TDC ay dinaluhan ng 86 na participants, habang 130 personnel ang nakibahagi sa practical driving course o PDC.